36

Oct 20, 2017 @ 15:34

Not guilty! – Kerwin Espinosa

“Not guilty!”

Ito ang ipinasok na plea ng tinaguriang big-time drug lord syndicate sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa nang basahan ng sakdal, Biyernes ng umaga sa sala ni Manila Regional Trial Court Branch 26 Judge Silvino Pamfilo Jr.

Giit ni Espinosa, hindi totoo ang mga kaso na isinampa laban sa kanya ng mga awtoridad.

Wala raw kasi siya sa bansa nang isagawa ang pagsalakay sa kanilang tirahan sa Albuera, Leyte kung saan nasamsam ang mga iligal na droga ng mga pulis.

Nagpasaring pa ito sa mga pulis sa pagsasabing trabaho ng mga iyon na magtanim ng ebidensya para ipamukhang mayroon silang accomplishments.

Maliban sa kasong illegal drug trading, may kinakaharap ding hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosives sa sala ni Manila RTC Branch 20 Judge Marivic Balisi-Umali si Espinosa.

Anak si Kerwin ng namayapang alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa na napaslang sa loob ng kanyang selda dahil umano nanlaban sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsisilbi sana ng search warrant sa loob ng kanyang piitan. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?