84

Aug 1, 2020 @ 16:40
By

Normal lang daw mapagod: Pagbutihin nila ang trabaho – Villar sa mga frontliner

Kung si Senadora Cynthia Villar ang tatanungin, hindi na dapat bumalik sa enhanced community quarantine ang Metro Manila sa kabila ng hinaing ng mga health frontliner na ilagay muli sa striktong lockdown ang rehiyon dahil muli na namang napupuno ang mga COVID-19 ward ng mga ospital.

Payo ni Villar sa mga frontliner, dapat ay ‘pagbutihin’ na lang umano nila ang kanilang mga trabaho dahil kung muling ila-lockdown ang Metro Manila ay marami din aniya ang mamamatay sa gutom.

“We have to live with COVID-19 di natin pwedeng isara ang ekonomiya, kailangan pag-igihin ng DOH (Department of Health) at iba pang agency ang kanilang hakbang… ‘Pag lockdown kasi magsa-suffer ang ekonomiya,” saad ni Villar sa panayam sa dwIZ.

“Hindi na siguro (ibabalik sa ECQ), pagbutihin nila trabaho nila (frontliner). ‘Di pwedeng isara ang ekonomiya kasi kung di naman mamamatay sa COVID, mamamatay naman sa gutom ang tao,” aniya pa.

Nitong Sabado ay sumulat ang nasa 40 medical community kay Health Secretary Francisco Duque III at Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ‘overwhelm’ ng mga ospital sa COVID-19 patient dahil sa record-breaking na pagtaas ng kaso ng virus sa mga nagdaan na araw.

Kaya naman hiling ng mga health frontliner ay ibalik sa dalawang linggong enhanced community quarantine ang Metro Manila para magsilbing ‘time out’ sa dumadaming kaso ng sakit sa bansa.

Ngunit ayon kay Villar, normal lang umano ang mapagod, at kailangan pa rin umanong magtrabaho sa kabila nito.

“May time in our lives na ikaw talaga ang mapapagod, iba iba naman ang kalamidad, so itong kalamidad na ito ang mapapagod dito ang health frontliners natin, iba iba yan, but I guess we need to work hard,” lahad pa ng mambabatas.

Nagbigay din ito ng advice sa mga ospital na taasan ang bilang ng kapasidad sa kanilang mga COVID-19 ward para hindi umano agad sila mapuno ng mga pasyente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?