91

Oct 13, 2021 @ 10:01
By

Noli tuloy serbisyo sa mga ‘kabayan,’ nagpasalamat kay Yorme

“Hindi po nagbago ang aking layunin at hangad para sa bayan.”

Ito ang naging pahayag ni ‘Kabayan’ Noli de Castro matapos niyang ianunsyo ang kanyang pag-atras sa senatorial race sa May 2022 elections.

Saad niya, ang nagtulak sa kanya na muling pasukin ang mundo ng politika ay ang layunin niyang magsilbing boses sa publiko lalo na sa mga ordinaryong Pilipino.

“Nitong mga nakaraang araw, taimtim kong pinag-isipan ang desisyong pagbalik bilang isang mambabatas. At kamakailan, naghanda ako sa posibilidad na pagtakbo sa pagka-senador sa darating na halalan,” pauna niyang saad sa kanyang pahayag.

“Ang nag-udyok sa akin ay ang hangaring muling bigyan ng boses sa Senado ang ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, na ang tanging hangarin ay mabuhay ng maayos, payapa, at may dignidad sa gitna ng pandemya,” dugtong niya.

Limang araw matapos niyang maghain ng kanyang kandidatura sa pagkasenador sa susunod na taon, napagtanto niya aniya na mas makakatulong siya sa pamamahayag.

“Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura,” saad niya.

“Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag.

Binibigyang diin ko po, hindi nagbabago at magbabago ang ating layunin at hangad para sa bayan,” pagpapatuloy niya.

Samantala, nagpasalamat naman ang batikang broadcaster kay Manila Mayor Isko Moreno at sa Aksyon Demokratiko na tumanggap sa kanya bilang isang kasapi nila.

“Nais ko pong magpasalamat kay Mayor Isko Moreno at sa mga bumubuo ng Aksyon Demokratiko sa ibinigay na tiwala at tulong sa akin sa unang araw pa lamang na maging miyembro ako ng Partido. Maraming salamat po,” ani Noli.

Dagdag pa rito, nagpasalamt din ang dating opisyal sa mga taong nagpakita sa kanya ng tiwala ay suportaz

“[S]a lahat ng nagtitiwala sa aking mga kabayan, maraming maraming salamat! Hawak ko sa aking puso ang ipinapakita ninyong pagmamahal, suporta, at tiwala,” pahayag niya.

Nito lamang Biyernes nang maghain ng certificate of candidacy si Kabayan sa Sofitel Plaza Manila Harbort Garden Tent, Pasay City matapos ang kanyang 11 year hiatus sa politika.

Matatandaang taong 2010 nang magbalik-loob siya sa broadcasting matapos ang kanyang panunungkulan bilang bise presidente sa administrasyon ni dating pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo. (Va)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?