25

Feb 6, 2021 @ 14:02
By

Nograles sa mga negosyante: Huwag niyong pagkakitaan ang pandemya!

Binalaan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang mga negosyanteng minamanipula ang presyo ng mga agrikultural na produkto sa gitna ng pandemya at African swine fever emergency sa bansa.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang task group na tutugis sa mga hoarder at smuggler ng mga naturang produkto.

“Gusto habulin ni Pangulo at ng department of Agriculture ang mga pinagsasamantalahan ang pinagdadaanan natin ngayong pandemiya. Kailangan talagang parusahan ang nasa likod nito,” wika ni Nograles sa isang panayam.

Ayon sa ulat, pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry ang naturang grupo.

Aniya, magsasanib-puwersa ang mga kawani ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Bureau of Customs, Philippine Competition Commission, National Security Council at National Intelligence Coordinating Agency para sa bagong task group.

Sambit pa ni Nograles, maaaring maharap sa kasong ‘economic sabotage’ ang mga mahuhuling smuggler at nang mamanipula ng mga presyo.

“Magiging aggravating circumstance ‘yung paggawa ng ganyang klaseng krimen habang may krisis. ‘Pag kinasuhan ‘yan at magpapataw ng penalty, punishment ang huwes ay kasama… itong ginawa nila ay pinagsamantalahan nila ang krisis na ito,” pahayag niya.

“Maari po [economic sabotage] ‘pag nakita nating andun ang elements of the crime kasi very technical ang economic sabotage.”

Magugunitang lumobo sa 4.2% ang inflation rate noong nakaraang buwan.

Kaugnay nito, nakatakdang ipatupad ng DA ang 60-araw prize freeze para sa baboy at manok sa Metro Manila simula Lunes, Pebrero 8.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?