107

Oct 27, 2017 @ 14:00

Nograles: Orig na piyesa ng MRT-3, ninakaw

Ibinulgar ngayon ni Puwersa ng Bayaning Atleta Partylist Rep. Jericho Nograles na isa na lamang sa 73 na tren ng MRT-3 ang merong orihinal na Vehicle Logic Unit (VLU).

Batay sa hawak na mga dokumento ni Nograles, tanging ang car number 63 na lang ang meron pa ring VLU na gawa ng Bombardier Transportation Signal Ltd., ang Canadian firm na sadyang nagdisenyo nito para sa MRT-3

Ayon sa kongresista, inalis ang ibang orihinal na VLUs at pinalitan ng hindi awtorisado at hindi tugma.

Ang VLU ang nagsisilbing utak at safety device ng tren.

Dahil dito’y sinabi ni Nograles na maaaring kaya madalas ang aberya sa MRT ay dahil apektado ang buong sistema ng hindi tugmang mga piyesa.

“I’m no engineer but it’s very basic that when you have devices that have different operating systems, interfacing them to do a single task can be a problem,” ayon kay Nograles.

Lumalabas din aniya na nagsisinungaling ang Busan Universal Rail Inc. (BURI) sa pagdinig ng House Committee on Good Government nang sabihing orihinal at walang pinalitan sa VLUs ng mga tren.

Aalamin naman sa susunod na pagdinig kung sino ang kumuha o kung ninakaw ang nasabing VLUs.

“Sino ang nagnakaw ng mga Bombardier na VLU at bakit nila ito ninakaw? Worse, sino sa gobyerno ang pumayag sa ganitong kalokohan?” dagdag ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?