695

Nov 1, 2017 @ 17:32

‘No work, no pay’ rule sa ASEAN Summit

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tamang pasahod para sa mga manggagawang papasok sa trabaho sa Nobyembre 13, 14 at 15 na idineklarang special non-working days sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga dahil sa idaraos na 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit sa bansa.

Sa Labor Advisory Number 14, Series of 2017 na pirmado ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, iiral ang “no work, no pay” principle.

Kung ang empleyado ay nagtrabaho naman, tatanggap siya ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod.

Kapag nag-overtime, tatanggap siya ng dagdag na 30% ng kanyang bayad kada oras para sa nabanggit na araw.

Kapag natiyempong day-off ng manggagawa pero siya ay pumasok pa rin sa trabaho, tatanggap siya ng karagdagang 50% ng kanyang sahod at kung nag-overtime naman ay karagdagang 30% ng kanyang hourly rate para sa nabanggit na araw.

Ang nasabing pay rules ay iiral lamang sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?