87

Mar 4, 2021 @ 15:57

‘No vaccine, no work’ policy kalokohan – Taduran

Isa umanong kalokohan ang “no vaccine, no work” policy na nais ipatupad ng ilang kompanya upang mapilitan na magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga empleyado.

Ayon kay Assistant Majority Leader Niña Taduran, ng ACT-CIS party-list, bagama’t ikinakampanya nito na suportahan ang vaccination program ng gobyerno, dapat ay walang maganap na pilitan sa pagpapabakuna.

“There is no basis for the ‘no vaccine, no work’ policy. The President himself said that nobody can be forced to be inoculated. Each person has the right to refuse to be vaccinated,” ani Taduran.

Kung hindi man mabakunahan, sinabi ni Taduran na maaaring sundin ng mga empleyado ang protocol para hindi mahawa.

“Huwag pa ring magtatanggal ng mask kapag nasa lugar na ng pinagtatrabahuhan. Maghugas ng kamay at mag-alcohol. Palakasin ang immune system at mag-ingat sa paghawak-hawak sa mga nasa paligid. At kung may nararamdamang mga sintomas ng COVID-19, magpahinga muna at magpasuri para matiyak na hindi makakahawa sa kanilang mga kasamahan sa trabaho,” saad ng lady solon.

Mayroon pa rin umanong kakulangan sa suplay ng COVID-19 vaccine sa bansa kaya hindi talaga mababakunahan ang lahat kaagad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?