88

Nov 3, 2017 @ 18:01

‘No sail zone’ sa Manila Bay sa ASEAN Summit

Umpisa sa Nobyembre 5, 2017, araw ng Linggo, magiging “no sail zone” ang Manila Bay bilang paghahanda sa ipatutupad na seguridad sa gagawing 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Nangangahulugan ito na bawal ang anumang sasakyang pandagat sa loob ng isang milya mula sa baybayin ng H2O Hotel sa Maynila hanggang Okada Hotel sa New Seaside Drive sa Parañaque City.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang “no sail zone” ay paiiralin mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 16, 2017.

“During the No Sail Zone period, no vessel of any kind shall be allowed to pass through the above areas for the entire 12 days,” ang nakasaad sa abiso ng PCG.

Magpapatupad din ang PCG ng “controlled zone” sa loob ng isang milya mula sa baybayin ng H2O Hotel hanggang sa bukana ng Pasig River.

Ibig sabihin, hindi umano papayagan ang anumang uri ng sasakyang pandagat na maglayag sa nasabing lugar maliban na lamang kung may permiso at sila ay kasamang miyembro ng PCG bilang escort. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?