51
magdalo-gary-alejano
Nov 1, 2017 @ 12:08
By

No Good

Sa panahong ito ng digital age, nakakalungkot na hindi natutupad ng mga internet providers ang kanilang responsibilidad na ayusin ang kanilang serbisyo lalo pa at sila ay binabayaran naman.

Maging si Mr. Jack Ma, founder ng Alibaba, ay napuna ang klase ng internet na mayroon tayo sa Pilipinas. “No good” ang kaniyang assessment sa ating internet service. Dito pa lang sa Maynila naranasan na ni Mr. Jack Ma ang hindi maayos na internet service. Isipin niyo na lang kung papaano pa ang mga nasa probinsya lalo na ang mga nasa labas ng lungsod. 

Isa sa mga karaniwang reklamo ay ang napakabagal na internet, nasa probinsya ka man o nasa Maynila. Ako mismo ay nararanasan din ito. Saan ka nga naman nakakita na sa pagbukas pa lang ng account ay aabutin ka na ng siyam-siyam bago ka pa man makapag-log in?

‘Yung mga gumagamit ng smart phone na ginagamit din maging sa trabaho ay “3G” pa rin ang lumalabas sa mga gadget. Kung mamalasin pa ay “E” o Edge na nangangahulugang halos wala ng internet service gayung may 4G at LTE na.

Mas mahirap pa marahil ang sitwasyon ng ating mga kababayan na nasa probinsya. Baka hindi lang “no good” ang assessment ni Mr. Jack Ma sa internet service kung sa probinsya niya sinubukan kung gaano kabilis ang internet.

Nagbabayad ng  buo kada buwan ang mga konsumer ng internet pero ang serbisyong kapalit ng buwanang bill ay hindi naipapahatid sa kanila. Luging-lugi ang mga Pinoy.

Sana ay natamaan ng kahit kaunting hiya ang mga internet providers sa personal na karanasan ni Mr. Jack Ma sa kanilang serbisyo, gayundin ang Department of Information and Communication Technology o DICT.

Tungkulin ng DICT na siguraduhin na maihahatid ng mga internet providers ang serbisyong kanilang ipinangako sa mga consumer. Marami ng reklamo ang mga tao sa DICT kaugnay sa mga internet providers ngunit tila hindi nabibigyan nang karampatang aksyon.

Batid kong bagong tatag pa lamang ang ahensya pero nawa’y unti-unti na silang maramdaman ng mamamayan. Importante na ang DICT ay kumikilos upang mabantayan at masigurong maayos ang serbisyo ng mga internet providers. 

Matagal nang reklamo ang mabagal na internet dito sa atin lalo na kung ikukumpara sa mga karatig-bansa. Kung ito ay hindi pa rin maaaksyunan, siguradong abot-abot na pagkadismaya ang aabutin ng mga pribadong kompanya at lalo na ng DICT.

Hindi natin maikakaila ang kahalagahan ng internet ngayon. Maraming transaksyon, pribado at publiko, ang umaasa sa internet. Ito nga ang dahilan kung bakit isinulong namin sa Kongreso ang pagkakaroon ng ahensya na tututok dito. 

Ika nga, “matiisin ang mga Pilipino”. Ngunit, ang dapat na mentalidad ng gobyerno ay “hindi na kailangang magtiis ng mga Pilipino”. Sana po ay makakaasa ang mga mamamayan na mula sa “no good” ay maging “excellent”, o kahit “very good” man lang, ang internet service sa Pilipinas. 

****************

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo
Twitter: @AlejanoGary

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?