54

Apr 23, 2021 @ 12:43
By

‘No fail’ policy ipatupad sa lahat ng paaralan – Makabayan

Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc upang himukin ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na magpatupad ng ‘no fail’ policy at padaliin ang buhay ng mga estudyante at guro sa gitna ng mga problemang patuloy na nararanasan sa distance learning.

Ayon sa mga mambabatas patuloy na nararanasan ang mga problema sa pagpapatupad ng distance learning gaya ng hindi magandang internet connection, kawalan ng magagamit na gadget sa pag-aaral at kakulangan sa mga learning materials.

“…Students are expected to fulfill numerous ac academic requirements to demonstrate mastery of learning competencies to the point that several universities, colleges and schools hold classes or demand the submission of class requirements even during holidays or declared breaks,” saad ng House Resolution 1721.

Ang mga guro naman umano ay inasahan na pumuno sa kakulangan at depektibong pagpapatupad ng distance learning bukod pa sa dagdag na trabaho sa pag-print at pamamahagi ng mga module at paggawa ng paraan para makasunod ang mga estudyanteng nahuhuli.

Hiniling rin ng mga mambabatas sa DepEd at CHED ang pagpapaluwag sa mga academic requirements at pagpapalawig ng deadline sa pagsusumite ng mga ito.

Ang resolusyon ay inihain nina Kabataan Rep. Sarah Jane Elago, ACT Teachers Rep. France Castro, Bayan Muna Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat at Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?