59
ABANTE-TNT-koko-nel-imposible
Jan 3, 2018 @ 16:04
By

No-el scenario ni Alvarez, malabong mangyari – Koko

Kinontra ni Senate President Koko Pimentel ang sinabi ng kapartido sa PDP Laban na si House Speaker Pantaleon Alvarez na posible ang No-El o no elections scenario sa 2019 kapag natuloy ang pag-amyenda ng 1987 Konstitusyon para sa inaadhikang federalism.

Binigyang-diin ni Pimentel na bago pairalin ang inamyendahang Konstitusyon kung sakali, kailangan pa ring ipatupad sa mga nanunungkulan ngayong senador, konggresista at iba pa ang umiiral ngayong 1987 Konstitusyon.

Nangangahulugan ito na kailangang matuloy ang eleksyong nakatakda sa 2019 kung kailan matatapos ang termino ng kalahati sa 12 senador, lahat ng mga konggresista at nasa mga local na pamahalaan.

“That is not an ‘either or’ situation. We can shift to federalism and allow all scheduled elections under the existing constitution to go on and be held,” diin ni Pimentel.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Alvarez na lahat ay posibleng mangyari sa federalism kabilang ang pagkansela sa eleksyon na nakatakda sa 2019.

Ito ay sakaling maamyendahan ang Konstitusyon at mabigyang daan ang federalism.

“Before we can operate under a new constitution, the provisions of the existing constitution must be followed. Hence if there are scheduled elections under the existing constitution, then that must be followed,” dagdag ng pangulo ng Senado. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?