38
ABANTE HONTIVEROS DEAL WEALTH
By

No-El sa ChaCha, Marcos wealth deal sinadya ng Palasyo – Hontiveros

Sharing is caring!

Binalaan ni Senadora Risa Hontiveros ang publiko ukol sa binansagan niyang “twisted political projects” ng Malacañang.

Isa rito ang No-El o no-elections scenario kapag natuloy na amyendahan ang Konstitusyon para sa isinusulong ng Malacañang na federalism.

Kasama rin umano ang pakulo na pakikipagkasundo sa mga Marcos para magsauli ito ng yaman kapalit na iuurong ang mga kasong sibil at kriminal laban sa pamilya.

Ayon kay Hontiveros, sinadyang palutangin ng Malacañang ang mga nabanggit para subukin ang reaksyon ng publiko at upang ikondisyon ang isip ng taumbayan na iyon ay suportahan.

Hinihilot na aniya ng Duterte administration ang public opinion gamit ang poder nito na magpakalat ng fake news.

Wala aniya itong ipinagkaiba sa pinakulo ng Palasyo na revolutionary government — na tinangkang palitawin na hinihingi ng taumbayan para suportahan ng militar pero naurong dahil hindi nahikayat ang sambayanan maging ang mga sundalo.

Babala ni Hontiveros, sa No-El scenario sa ChaCha para sa federalism, palalawigin ang termino o patatagalin sa puwesto ang mga opisyal na sakim sa kapangyarihan.

Palalakasin din umano ng administrasyon ang alyansa nito sa mga Marcos sa panukalang iurong ang kaso laban sa pamilya kapalit diumano ng pagsasauli sa gobyerno ng bahagi ng Marcos wealth.

Hinimok ni Hontiveros ang publiko na huwag magpaloko sa political scheme kung saan ang mithiin umano ay ang palakasin ang authoritarian rule ni Pangulong Duterte. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?