51
speaker-pantaleon-alvarez
Jul 11, 2018 @ 15:26
By

No-el sa 2019, mas praktikal – Alvarez

Naniniwala si Speaker Pantaleon Alvarez na mas praktikal kung ipagpapaliban ang midterm elections sa Mayo 2019.

Ito’y para bigyang-daan ang transition para sa panukalang federal form of government.


Paliwanag ni Alvarez, magiging mahirap para sa kanila na talakayin ang planong Charter change (Cha-cha) dahil sa mga nakakalendaryong aktibidad at kung matutuloy ang eleksiyon.

Kabilang dito ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagtalakay sa panukalang budget para sa susunod na taon, paghahain ng Certificates of Candidacy sa Oktubre at ang pagsisimula ng kampanya sa Pebrero.

“Papaano tayo magka-quorum dito? Siyempre magkakampanya na ‘yung mga congressmen, election ‘yan eh, survival,” sabi ni Alvarez.

“Paano natin gagawin ang proposal to revise the Constitution? Kung gusto nating matapos ‘yan, para sa akin ‘yun ang dapat pag-aralan na mabuti, ang timetable,” dagdag ng Speaker.

Iginiit nito na kung prayoridad ang Cha-cha, dapat pagtuunang-pansin ito ng Kongreso.

Sinabi naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na kung ang binuong Consultative Committee ay inabot ng apat na buwan para sa draft, hindi aniya nila kakayanin na aprubahan ito sa loob lamang ng dalawang buwan.

“Pagdating sa amin, magagawa ba namin ng dalawang buwan ‘yan? E ‘di talagang apura-apurahan na ang trabaho na ‘yan,” ani Fariñas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?