75

Nov 18, 2021 @ 14:33
By

No contact apprehension law pinaplantsa sa Kamara

Inaprubahan ng House Committees on Metro Manila Development at on Transportation ang pagbalangkas ng substitute bill at committee report para sa panukalang no contact apprehension law.

Bukod sa pagdisiplina sa mga motorista, sinabi ni Manila Rep. Manny Lopez na layunin ng panukala na iwasan na malapitan ng mga traffic enforcer ang mga motorista na maaaring mauwi sa pangongotong.

Sa isinagawang joint hearing, sinabi ni Lopez na mayroong mga masamang karanasan ang mga motorista sa Maynila dahil mas inaasikaso pa ng mga traffic enforcer ang manghuli kesa ayusin ang daloy ng trapiko.

“Perhaps due to lack of training or maybe due to the culture of abuse of power, the mindset of many Manila traffic enforcers is seemingly focused on catching traffic violators, rather than fixing the traffic problem in their assigned areas. Manila is sadly getting notorious for it’s “kotong” enforcers and growing corruption,” dagdag pa ni Lopez.

Pinag-usapan sa komite ang mga panukala upang magkaroon ng pare-parehong no contact apprehension policy na ipinatutupad na sa ilang lokal na pamahalaan.

Binigyan-diin ni Quezon City Rep. Jesus Suntay ang kahalagahan na matiyak na ang pagmumultahin ay ang driver na lumabag sa batas trapiko at hindi ang may-ari ng sasakyan na hindi nagmamaneho sa panahon na nagawa ang paglabag.

Sinabi naman ni Deputy Speaker Wes Gatchalian na naging matagumpay ang programa ng Valenzuela City kaugnay nito kaya maaari itong gamiting modelo sa gagawing batas.

Ipinunto rin sa pagdinig ang pangangailangan na magkaroon ng pare-parehong rules at multa ng mga lokal na pamahalaan.

Naniniwala si Lopez na ang maayos na pagpapatupad ng no contact apprehension program ay magreresulta sa mas disiplinadong motorista at makapipigil sa pang-aabuso ng mga traffic enforcer. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?