34

Nov 8, 2021 @ 15:04
By

‘No bakuna, no ayuda’ policy, ‘di lulusot sa Senado – Villanueva

Mariing tinutulan ni Senador Joel Villanueva ang panukala na maglagay ng probisyon sa 2022 national budget na gawing requirement ang bakuna kontra COVID-19 bago makatanggap ng ayuda mula sa DSWD tulad ng 4Ps dahil magsisilbi lang itong pahirap sa mamamayan na hindi pa nababakunahan.

“Kung mayroon man pong ganoon na panukala, baka hindi ito payagan ng Senado,” ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee.

“Sa panahong hirap ang marami, hindi dapat maging panuntunan ang pagkakaroon ng bakuna sa pagbibigay o hindi pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga nangangailangan nito,” dagdag pa ng mambabatas.

Sabi ni Villanueva, hindi dapat gawing polisiya ito lalo na’t hindi pa man nangangalahati ang bansa sa target nitong bilang ng mga nabakunahan para maabot ang tinatawag na herd immunity.

“Kung kulang pa rin po ang bakuna at hindi pa po ito nakakaabot sa lahat, huwag po sana nating ipagkait ang mga ayuda sa mga hindi pa nabibigyan ng bakuna,” sabi ni Villanueva.

Sa tala ng DOH hanggang Nobyembre 6, may 32,402,150 nang nakakuha ng first dose ng bakuna samantalang 29,331,626 naman ang nakumpleto ang bakuna. Ang bilang ng fully vaccinated ay umabot lamang sa 38.3% ng 76 milyon na target mabakunahan kasi ito ang 70% ng populasyon.

“Kung isasama pa po ang 12 to 17 age group, mas malaki ang populasyon na dapat mabigyan ng bakuna, at malayo pa nating maabot ito,” ani Villanueva.

Naniniwala ang senador na ang mababang vaccination rate ay dahil sa isyu ng supply, at hindi dahil marami ang may ayaw magpabakuna.

“Yung mga kababayan po natin na nasa socio-economic class E na mga kliyente ng DSWD ay nasa probinsya, o homeless, o kaya walang digital device para magparehistro online para sa bakuna,” ayon kay Villanueva.

Aniya, dapat umanong gamitin ng DSWD ang database nito sa 4Ps upang kumbinsihin ang mga miyembro nito na hikayatin ang pamilya at mga kapitbahay na magpabakuna na.

Dapat gamitin ng DSWD ang pondo nitong P355 milyon sa 2022 na nakalaan sa komunikasyon at advertising upang maglunsad ng kampanya para sa edukasyon tungkol sa kahalagahan ng bakuna. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?