38

Feb 22, 2020 @ 21:06
By

No. 3 ni Wade ibibitin ng Heat

Dati, tuwing naririnig ni Dwyane Wade ang national anthem bago ang home games ng Miami, titingala siya sa rafters ng American Airlines Arena.

“I always imagined my jersey being up there,” aniya.

Matutupad na ang kanyang pangarap. Pagkatapos nitong weekend, aakyat na roon for good ang kanyang jersey.

Magiging panlimang Heat player si Wade na ireretiro ang number pagkatapos nina Alonzo Mourning, Tim Hardaway, Shaquille O’Neal at Chris Bosh.

Biyernes nagsimula ang three-day celebration para kay Wade, Sabado ng gabi ay itataas sa rafters ang kanyang No. 3 bago i-host ng Heat ang Cleveland Cavaliers.

Naka-16 seasons si Wade sa NBA, 14 ½ doon ay sa Miami. Sila lang ni Udonis Haslem ang players na miyembro ng tatlong Heat championship teams (2006, 2012, 2013). Balang araw, siguradong ire-retire din ng Heat ang No. 40 ni Haslem.

Si Wade ang all-time leader ng franchise sa points, games, assists at steals. Matatagalan bago may sumapaw sa record niya: may 21,556 regular-season points si Wade sa Heat, pinakamalapit na kabuntot ang 9,459 ni Mourning.

Si Wade ang 2006 NBA Finals MVP, naka-13 All-Star Game appearances, All-Star MVP noong 2010 at nanalo ng Olympic gold medal.

“Every time I look up to the rafters and see your #3 hanging there, I’ll think of the impact you had not only on this organization, this city and this league, but on my life,” bahagi ng open letter ni Heat coach Erik Spoelstra kay Wade na kasama sa game-night giveaway para sa fans ngayon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?