97

Sep 9, 2021 @ 18:03
By

NLEX P500K lugi kada araw sa barriers up scheme

Nasa P500,000 kada araw o P182.5 milyon sa isang taon diumano ang nawawalang kita ng North Luzon Expressway (NLEX) sa mga sasakyang pumapasok at lumalabas dito mula sa Valenzuela City simula nang pinatigil ng lokal na pamahalaan ang paghaharang sa mga motoristang dumadaan dito o ang tinatawag nitong barriers up policy.

Ayon sa Infrawatch Ph, aabot sa 8,000 motorista kada araw ang hindi na nagbabayad ng toll sa NLEX simula ng pinatupad ang barriers up policy at nababawasan ng P18.7 milyon ang koleksyon sa buwis ng pamahalaan dahil dito.

Sabi ni Infrawatch PH convenor Terry Ridon, nakatanggap siya ng ulat na karamihan sa mga nandadaya sa toll sa NLEX sa Valenzuela City ay mga public utility vehicle.

Nanawagan si Ridon sa Department of Transportation (DOTr) na magpatupad na ng no-contact apprehension sa mga expressway ng bansa. Sa ngayon, tanging mga local government unit pa lamang ang nagsusulong ng no-contact apprehension.

Umapela rin si Ridon sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela City na magpasa ng ordinansa sa lungsod tungkol sa no-contact apprehension na maaaring maipatupad sa expressway.

Sabi ni Ridon, napatunayan sa mga isinagawang no contact apprehension sa Maynila at Parañaque City na malaking bagay ang no-contact apprehension para mabawasan ang korapsiyon ng mga traffic enforcer.

Sabi ni Ridon, ang pagsulong sa no contact apprehension sa expressway ay dahil sa mga nandadayang motorista sa NLEX na hindi nagbabayad ng toll simula ng pinatupad ang barriers up policy ng Valenzuela City kung saan hindi na nahaharangan ang mga sasakyang pumapasok at lumalabas sa open system ng NLEX mula sa lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?