30

Jan 8, 2020 @ 20:14
By

Ninja cops uubusin ni Año

Tiniyak ni Interior Secretary Eduardo Año sa publiko na kaniyang uubusin at wawalisin ang mga ‘ninja cops’ na hanggang sa ngayon ay aktibo pa rin sa Philippine National Police (PNP)

Ito ang reaksiyon ni Año, bilang tugon sa lumabas sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula December 13 hanggang 16, 2019, kung saan majority umano ng mga Filipino o 78 porsyento ang nagsasabing naniniwala sila na maraming ‘ninja cops’ ang hanggang sa ngayon ay namamayagpag pa sa hanay ng pulisya.

Binigyang diin ng kalihim na kaniyang sisiguruhing patatalsikin sa kanilang tungkulin, kakasuhan at ipakukulong ang sinumang mapatunayang ‘ninja cops’ sa PNP, at aniya sa kasalukyan ay may listahan na umano sila ng mga pangalan nito at mahigpit nang minomonitor para sa kaukulang ebidensiya.

“Malinaw pa kasi sa isipan ng publiko dahil sa nakaraang imbestigasyon sa Senado kaya ‘yan ang naging resulta sa SWS survey. Pero 2013 pa ‘yun at halos anim na taon na ang nakaraan,” ani Año sa isang panayam sa Camp Crame nitong Miyerkules.

Una dito ay naglabas ang SWS na mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang mayroong ‘ninja cops’ sa PNP, kung saan halos walo sa bawat 10 Pilipino o 78% ang naniniwalang may ‘ninja cops’; 15% ang hindi tiyak at 4% lamang ang hindi naniniwala.

Sa katanungan naman na kung naniniwala ang mga Pinoy sa akusasyong si dating PNP Chief Oscar Albayalde ay protektor ng ‘ninja cops’ –50% ang naniniwala, 13% ang hindi naniniwala at 37% ang hindi tiyak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?