355

Sep 21, 2019 @ 15:31
By

‘Ninja cop’ na siniwalat sa Senado, posibleng alam na ni Duterte – Nograles

Hindi malayong nakarating na kay Pangulong Rodrigo Dutere ang identity ng mga “ninja cop” na pinangalanan ni dating Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief Benjamin Magalong sa isang executive session sa Senado.

Kasunod ito ng bahagi ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) law sa Bureau of Corrections (BuCor) kung saan pati ang drug recycling ay lumitaw na sa pagdinig.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na hindi siya magtataka kung nakarating na agad sa Pangulo ang mga ibinunyag ni Magalong na mga pangalan ng “ninja cops”.

Ang “ninja cops” ay mga tiwaling miyembro ng PNP na sangkot sa pagre-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga.

May access aniya si Senate President Vicente Sotto III sa mga impormasyong ibinunyag sa ginanap na executive session sa Senado at maaari nitong ibigay sa Presidente.

“Kung sinuman ang pinangalanan ni Mayor Magalong, I don’t know kung nakarating, I won’t be surprised kung nakarating na sa Pangulo ‘yung impormasyon. Kung anuman ang sinabi sa Senate, the Senate President has access to that information at maaaring i-turn over ng Senate leader ang impormasyon sa Pangulo,” ani Nograles.

Galit na galit aniya si Pangulong Duterte sa “ninja cops” at katunayan ay nagtakda ito ng reward money sa sinumang makakahuli o makakapatay sa mga ito.

“Galit na galit si Pangulo sa mga ninja cop. Pikon na pikon si Pangulo sa ganyang bagay,” dagdag pa ni Nograles.

Bagama’t ipinakita aniya ng PNP ang lugar kung saan nakaimbak “for safekeeping” ang mga nakumpiskang iligal na droga at mayroon namang CCTV at maganda ang ginagawang pagbabantay, hindi inaalis ang posibilidad na baka may ibang modus operandi ang “ninja cops”.

Mag-iimbestiga aniya ang mga awtoridad sakaling may ibang diskarte ang mga tiwaling pulis para makapag-recycle ng shabu.

“Kung may ibang modus operandi man na ginagawa, eh ito’y ating iimbestigahan at kung meron man mahuhuling nang-abuso sa kanilang posisyon, ‘yung pumasok sa illegal drug trade mga ninja cops, alam n’yo naman galit si Pangulo diyan,” wika pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?