57

By

Ninakawan ang bisita? Airbnb sinuspinde ang booking sa guest house sa Cebu

Sinuspinde ng Airbnb ang booking sa SMAKS House sa Sta. Fe, Bantayan Island sa Cebu matapos nagreklamo ang isang guest na tauhan nito ang nagnakaw sa kanila.

Sabi ng spokesman ng Airbnb, malubhang ikinabahala nila ang pangyayari kaya’t seryoso nila itong tatratuhin. Habang iniimbestigahan nila ang pangyayari, sinsuspinde na nito ang booking sa SMAKS House at nagbigay na ito ng suporta sa guest.

“The safety of our community, both online and offline, is our priority,” sabi ng spokesman ng Airbnb sa Abante.

Mahigit 500 milyon na ang nagbook sa mga listing ng Airbnb at bihirang-bihira umano ang mga negatibong insidente, kaya hindi nito palalagpasin ang anumang masamang pag-uugali.

Sakaling mangyari ito, maaari umanong tawagan ang kanilang global team 24/7 para sa suporta.

“The reported behavior is deeply concerning and we are treating the matter extremely seriously. We have suspended the host while we investigate further and have offered our full support to the guest,” sabi ng Airbnb. “We also note that local law enforcement have been made aware of the case and we stand ready to support any investigation.”

Inireklamo ni Arianne Real Guerrero ang SMAKS House noong Oktubre 4, 2019 nang matuklasan ng kanyang mga kasama na nanakawan sila ng $400.

Binook nina Guerrero ang SMAKS House para sa kanilang bakasyon. Sa kanilang pamilya, 17 ang matatanda at tatlo ang bata.

Sabi ni Guerrero sa kanyang post sa Facebook, nag-island hopping sila mula 8am hanggang 4pm at nadiskubre na lang ng dalawa niyang pinsan na nanakawan sila pagbalik sa SMAKS House at $400 ang kabuuang nawawala.

Bi-nook nila sa AirBnb ang SMAKS House na pinapatakbo ng Syke Travel & Tours. Agad nila itong nireklamo sa may-ari na nakatira overseas at agad inabsuwelto ang kanilang mga tauhan.

Sabi ni Guerrero, pumunta sila sa pulis at base sa imbestigasyon, inside job ang nangyari. Gigil na gigil siya dahil harap-harapan pa umanong nagsinungaling ang mga caretaker ng SMAKS house.

Ang palusot kasi ng mga caretaker, sabi ni Guerrero, sa glass windows daw dumaan ang mga magnanakaw at mula roon, pinasok na nila ang ibang mga kwarto ng bahay. Sabi niya, kahit nakadaan sa isang kwarto ang magnanakaw, hindi nito mapapasok ang iba pang mga kwarto nang hindi sinisira ang mga lock. Hindi naman daw nasira ang mga lock ng ibang mga pintuan.

“It’s an INSIDE JOB!!! The caretakers are involved!!!” sabi ni Guerrero.

Hindi rin daw iyon ang unang beses na may nanakawan sa SMAKS.

Dalawa o tatlong buwan bago sila magbook, nanakawan na rin ang tumira doon, saad pa ng guest.

Nanawagan si Guerrero sa AirBnB na lagyan na lang ng CCTV lahat ng mga bahay na nakarehistro rito.

Ayon sa Syke Travel & Tours, dapat pinatunayan daw ni Guerrero na staff ang nagnakaw at hindi siya dapat naging maangas.

Dagdag pa ng travel agency, kinausap muna dapat ni Guerrero ang may-ari bago siya nagreklamo sa pulis at tawaging kawatan ang kanilang staff.

Sana inisip din daw ni Guerrero na baka sa kampo nila nanggaling ang inside job na tinutukoy ng pulis. Hindi nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng Syke Travel & Tours na minasama ang agad na pagtawag nina Guerrero sa pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?