100

By

Ninakaw na sasakyan pinatubos sa may-ari, 2 arestado

Nahaharap sa kasong robbery extortion ang isang real state broker at kasabwat nito matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation nang tangkaing ipatubos sa isang negosyante ang kinarnap na kotse Huwebes ng hapon sa Parañaque City.

Kinilala ng Parañaque City Police ang dalawang nadakip na sina Analiza Gayamo, 49, real state broker, at Ruperto Liquiran, alyas Feng, 49. Pinaghahanap naman ang isa pa nilang kasabwat na nakilala sa alyas na “Arwin”.

Batay sa salaysay ng biktimang si Sungsu Kim, 48, Korean national, hindi naibalik ng kanyang driver na si alyas “Erwin” ang kanyang Ford Everest sa parking space sa City of Dreams sa nabanggit na lungsod noong Nobyembre 5.

Hindi na niya makontak si “Erwin” hanggang nitong Nobyembre 7 alas-11:00 ng umaga nang tumawag sa kanya ang mga suspek at nanghihingi ng halagang P350,000 para maisauli sa kanya ang sasakyan.

Dahil dito, nagtungo at nagreklamo ang biktima sa PNP Maritime Group na nag-refer sa kaso sa Anti-Carnapping Unit ng Parañaque City Police.

Dito nagplano ang pulisya ng entrapment operation saka nakipagkasundo si Sungsu na makipagkita sa mga suspek.

Alas-3:30 ng hapon, Nob. 7, nang magkita ang biktima at mga suspek sa harap ng isang fastfood restaurant sa may Macapagal Avenue sa Barangay Tambo.

Matapos na tanggapin ng mga suspek ang marked money, dito na sumulpot ang iba pang mga pulis at inaresto ang dalawa.

Bigo ang mga pulis na marekober ang behikulo ng biktima ngunit patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon at operasyon upang madakip ang tsuper ni Sungsu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?