61

By

NHA, private contractors dapat managot sa palpak na pabahay – Ejercito, Legarda

Sharing is caring!

Pinananagot nina Senador JV Ejercito at Senadora Loren Legarda ang National Housing Authority (NHA) at ang mga pribadong kontratista dahil sa pagpapatayo ng umano’y palpak na mga bahay para sa sinalanta ng mga kalamidad.

Ayon kay Ejercito na chairman ng Senate committee on housing, lumilitaw na P64 bilyon na ang inilabas ng gobyerno para mapagawan ng bahay ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda, Pablo, Sendong at pati naapektuhan ng Zamboanga City siege.

May naitayong mga bahay pero 50 % lang umano ang okupado dahil hindi matitirhan dahil mababa ang kalidad.

Hinala ni Ejercito na pinagkakitaan ito ng mga middle managers, field engineers, district managers at area managers na nakipagkuntsabahan sa mga pribadong kontratista dahil hindi aniya lulusot ang mga palpak na pabahay kung walang kukunsinte.

Sinabi naman ni Legarda na hindi puwedeng walang managot sa pagsasayang ng pera sa mga pabahay na ginamitan ng substandard na construction materials at umano’y itinayo pa sa mga delikadong lugar, walang tubig at kuryente kaya ayaw tirhan.

Kaugnay nito, inatasan nina Ejercito at Legarda ang NHA na magsumite ng report para sa lahat ng housing program ng gobyerno, kasama ang pangalan ng mga kontratista at status ng housing program upang isa-isa itong masuri.

Sa isang panayam, sinabi ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., na isinagawa ang bidding para sa low-cost housing project ng NHA bago pa siya manungkulan.

Samantala, mayroon na aniyang kontratista na naka-blacklist at mayroon na ring kontratista na binantaan ng demanda kapag hindi inayos ang pagtatayo ng mga bahay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?