MANILA – Tablado kay Davao City Mayor Sara Duterte at sa kanyang partido na Hugpong ng Pagbabago (HNP) ang term-sharing deal na isinusulong ng kampo ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano upang matuldukan na ang hidwaan para sa liderato ng Kamara.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Sara na ang term-sharing na ginagapang ng mga kaalyado ni Cayetano ay makakasama lamang para kabuuan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Giit ni Mayor Sara, pababagalin lamang ng mga nagsusulong ng term-sharing ang pangkalahatang transaksyon sa Kamara lalo na ang mga isunusulong na legislative agenda ng pamahalaan at ng kanyang amang si Pangulong Rodridgo Duterte.
“HNP will not gun for term-sharing for the Speaker of the House.It is counterproductive. It will slow down the last three years of the administration of President Duterte,” saad ni Mayor Sara.
Babala pa ng Presidential daughter, mauuwi lamang sa balimbingan at trayduran ng mga magkakaalyado ang term-sharing ng grupo nila Cayetano.
“In a term-sharing situation, the House of Representative will be racked with unseating the incumbent Speaker, deceit, dissent, and distrust,” giit pa ng alkalde.
“We do not know why the term-sharing influencers do not seem to care what will happen to the House.”
Una nang binanatan ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ang ilang mga miyembro ng gabinete ng Pangulo dahil sa umano’y pakikisawsaw ng mga ito sa isyu ng liderato ng Kamara at sa pagtutulak ng term-sharing na tanging si Cayetano lamang ang umano’y makikinabang.
Sa isang panayam kamakailan ng Abante, sinabi ni Atienza na puro kwento lang umano at walang pag-asa ang kongresista ng Taguig-Pateros na masungkit ang liderato ng Kamara kung malinis ang labanan at hindi hahaluan ng siraan at batuhan ng putik.
Paliwanag pa ni Atienza, kaya inungkat na naman ang isyu ng term-sharing sa pagka-Speaker dahil ito lamang ang pag-asa ni Cayetano upang masungkit ang nasabing pwesto dahil manlilimos umano ito ng suporta kung gaganapin na ngayon ang botohan para sa susunod na Speaker.