34

Aug 4, 2021 @ 15:10
By

Nesthy titiyaking hindi ma-‘Onyok Velasco’

Hindi pa alam ni Nesthy Petecio ang sunod niyang hakbang matapos makasungkit ng silver medal sa boxing event sa Tokyo Olympics pero may isa raw siyang gustong siguruhin.

Ito ay ang hindi niya sapitin ang nangyari kay 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco, na hindi nakuha ang lahat ng mga regalo na ipinangako sa kanya nang manalo ng medalya kabilang na ang P2.5 milyon mula sa Kongreso.

“Sisiguraduhin ko muna ‘yung mga pinangako. Baka magaya po tayo kay Sir Onyok Velasco,” sambit ni Petecio sa isang press conference ngayong Miyerkoles.

“Sisiguraduhin ko po muna… kasi lahat ng ‘yon ay para sa pamilya ko,” dagdag niya.

Maliban sa mandatory bonus mula sa gobyerno, kabilang sa mga inaasahang makukuha ni Petecio ay nasa P17 milyong reward, condominium unit, house and lot at libreng flights mula sa Philippine Airlines.

Nakasiguro si Petecio ng silver medal nang makapasok sa women’s boxing championship laban kay Sena Irie ng Japan. Ngunit bigo siyang makuha ang gold medal nang gapiin ni Irie.

Umukit si Petecio ng kasaysayan bilang unang Filipina boxer na nagwagi ng medalya sa naturang kompetisyon.

Bago nito ay nakapag-uwi na si Hidilyn Diaz ng gold medal para sa Pilipinas nang ilampaso sa women’s weightlifting competition si Chinese world record holder Liao Qiuyun.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?