55

Negosyanteng magtatayo ng katayan, kinatay

Namatay noon din ang isang negosyante makaraang bistayin ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril  sa ulo ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa gilid ng Commonwealth Market sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilalang si Rommel Roque, 27,may asawa at nakatira sa Obanic  Street, Barangay Commonwealth, Quezon City. Si Roque ay may-ari ng isang katayan ng manok sa Commonwealth market sa lungsod.

Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima ay sunud-sunod na binaril sa ulo ng dalawang suspek  dakong ala-1:30 ng madaling araw, habang nagka-kape  malapit sa kanyang puwesto sa palengke.

Batay sa pahayag ng kapatid ng biktima na nakilalang si Jennifer, nagkakape lamang ang biktima sa tapat ng kanilang katayan ng manok nang dumating ang dalawang suspek na nakatakip ng face towel ang mga mukha at malapitang pinagbabaril ang negosyante.

Nang masigurong patay na ang biktiwa ay kaswal na naglakad lamang ang mga salarin, at dahil bitbit pa ng mga ito ang ginamit na baril ay natakot na humarang at makialam ang mga vendors sa nasabing palengke.

Sinabi ni Jennifer na posibleng dahil sa negosyo ang sanhi ng pamamaril sa kanyang kapatid dahil marami umanong naiinggit  sa biktima dahil mas marami ang bumibili sa kanila,  at magtatayo pa ito ng isang katayan sa palengke.

Maging ang opsiyal ng barangay na nakilalang si Merly Rosales ay nagsabing walang rekord na hindi maganda sa kanilang barangay ang biktima at kilala itong mabait, masipag at walang bisyo ng mga taga-palengke.

Nakasamsam  ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Quezon City Police District (QCPD) sa pinangyarihan ng  krimen ng 10-basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?