288

Aug 19, 2019 @ 16:33
By

Negosyanteng Chinese kulong sa panggugulpi ng dalaga

Inaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police ang isang negosyanteng Chinese matapos saktan ang isang babaeng marketing personnel sa isang bar sa Pasay City nitong Lunes ng madaling-araw.

Kasalukuyang nasa detention cell ng Pasay City Police ang suspek na si Li Xiwu, 33, isang Chinese national, residente ng PNB Compound sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Batay sa reklamo ni Monica Mae Saturos, 25, alas-5:30 ng madaling-araw nang saktan siya ng suspek sa loob ng HK88 KTV Bar na matatagpuan sa PNB Compound, Roxas Boulevard.

Ayon kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, bago naganap ang pag-aresto sa dayuhan, nakatanggap ng tawag sa telepono ang kanyang mga tauhan hinggil sa umano’y naganap na pananakit ng suspek.

Kaagad na nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis at nagtungo ang mga ito sa nabanggit na KTV at naabutan nila na nasa labas ang biktima kasama ang testigong si Julie Manocan, 26, OIC ng naturang bar.

Nang dumating ang mga pulis, sinabi ng biktima na sinaktan umano siya ng suspek sa pamamagitan ng paggulpi sa hindi mabatid na dahilan.

Kapwa dinala sa Pasay City General Hospital sina Saturos at Xiwu para sumailalim sa medical.

Makalipas ang ilang oras, agad na dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspek upang imbestigahan kung saan nahaharap siya sa kasong physical injury.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?