85

Nov 5, 2018 @ 19:37
By

Negosyante todas sa holdaper na rider

Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang ang biktima at ang empleyado nito ay sakay ng truck at papauwi na sa kanilang tahanan sa Quezon City.

Batay sa report sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay nakilalang si Michael Manila, 45, may-asawa na nakatira sa No. 30 Pound Street, Phase 8, North Fairview, ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola, ng CIDU-QCPD, ang krimen ay naganap dakong alas-8:15 ng gabi (November 4) sa Lawin St., corner Kulasisi St., Barangay Commonwealth, ng nasabing lungsod.

Base sa salaysay ni Michael Wella, empleyado ng biktima, sakay sila ng Isuzu Truck (ABD-1402) nang gitgitin sila nang minamanehong motorsiklo ng suspek na naka- helmet at bigla na lamang pinagbabaril nito ang kanyang amo.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis na bumaba umano ng truck si Wella at tumakbo papalayo sa takot na madamay, lalo na nang makita niyang bumaba pa ang gunman sa sinasakyan nitong motorsiklo.

Sa ‘di kalayuan ay nakita umano ni Wella na mabilis na nilimas ng gunman ang cellphone at bag ng kanyang amo na naglalaman ng P100,000 at saka mabilis itong bumalik sa kanyang motorsiklo at tumakas.

Hinala ng pulisya na posibleng kilala ng biktima ang holdaper dahil alam nito na may dalang ganoong kalaking halaga ang napaslang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?