203

Oct 26, 2017 @ 16:31

Negosyante nagbaril sa sarili sa loob ng kotse, patay!

Patay ang isang negosyante matapos na mabaril ang sarili sa loob ng kanyang kotse, kasama ang kanyang bodyguard kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang negosyante na si Cenen Artagame Guance, 47, may live-in partner, at nakatira sa No. 234 Acasis St., Bermuda Subdivision, Mabolo Bacoor, Cavite.

Si Guance ay idineklarang patay dakong alas-11:25 ng gabi ng kanyang attending physician na si Dra. Marivic Mapa ng East Avenue Medical Center (EAMC), sanhi ng dalawang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa kanang binti.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Anthony Tejerero, ng CIDU, ang insidente ay naganap dakong alas-10:30 ng gabi sa loob ng pag-aaring Toyota Fortuner na may plakang AAJ 4899 ng biktima habang nakahinto at naghihintay ng green lights sa kahabaan ng Quezon Avenue corner Agham Road, Brgy. Pag-asa ng nasabing lungsod.

Ayon sa pahayag ni Sherwin Naria, bodyguard ng biktima, galing umano sila sa kanilang opisina sa Cubao at nakipag-inuman muna ang kanyang boss na si Guance sa dalawa nitong kaibigan na nakilalang sina Rex Reburiano at Fradeep Syky.

Bandang alas-10:00 ng gabi ng matapos ang inuman at nagyaya nang umuwi si Guance at ang kanyang bodyguard na ang nagmamaneho ng sasakyan ng biktima dahil medyo lasing na umano ang nasabing negosyante.

Sinabi ni Naria, pagdating nila sa kanto ng Quezon Avenue at Agham Road, habang naka-stop ang minamaneho niyang kotse dahil sa red light ay narinig niya ang pagkasa ng baril ng kanyang boss na si Guance kasabay nang pagputok ng dalawang beses.

Matapos ay sinabi ni Guance sa bodyguard na may tama siya sa binti at inutusan itong dalhin siya sa nasabing ospital subalit namatay din ang negosyante dahil sa patuloy na pagdurugo ng kanyang tama sa binti. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?