109

By

Negosyante bumaril para maningil ng utang

Sharing is caring!

Nagpatutok ng baril sa loob ng isang shopping center ang isang negosyante makaraang hindi magbayad ng utang na nagkakahalaga ng P200,000 ang mag-asawang kanyang sinisingil sa loob ng Greenhills Shopping Center sa San Juan City, Miyerkoles ng gabi.

Batay sa report na isinumite sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Chief, PCSupt. Bernabe Balba ni San Juan City Police Chief, PSSupt Dindo Reyes, nakilala ang suspek na si Alvin Salic Baunto, 33-anyos, businessman, stall owner sa Virramall, Greenhills Shopping Center at residente ng 908 Tiffany Mansion, Eisenhower St., Barangay Greenhills, San Juan City.

Ayon kay Reyes, nagpaputok ng baril si Baunto sa loob ng Virramall sa Greenhills, bandang alas-6:45 ng gabi makaraan ang mainitang pagtatalo sa mag-asawang kanyang sinisingil na sina Muhlach Disumimba, 42-anyos at Analyn, 37-anyos, kapwa residente ng 180 Pinaglabanan Extension, Barangay Isabelita, San Juan City .

Nabatid na may pagkakautang ng P200,000 ang mag-asawa noon pang 2016 na ikinainis na umano ang suspek sa palagiang pangakong pagbayad ng mag-asawa kaya bilang panakot ay naglabas na ito ng baril at biglang nagpaputok.

Sa ginawang pagpapaputok ng suspek ay nabigla at natakot ang mga mamimili sa loob ng shopping center at nagbigay pansin sa mga security guard at nakatalagang pulis sa loob ng mall para agad na magresponde at mahuli ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang .9mm glock gun na may tatlong gamit na basyo ang nakuha sa lugar na pinangyarihan.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Juan detention cell habang inaalam kung ligal ang kanyang baril na may dokumento at nahaharap pa sa kasong alarm and scandal for indiscriminate firing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?