40

Nov 26, 2021 @ 15:36
By

Negosyante binaril ang guro bago patayin ang sarili

Pinagbabaril ng isang negosyante ang isang babaeng guro pagkatapos ay nagpakamatay habang tinutugis siya ng mga pulis sa Misamis Oriental.

Nagpakamatay sa loob ng sasakyan ang may sala na si Noel Sabalo, 59, tubong Leyte na naninirahan sa Butuan City, gamit ang isang .9mm pistol, nitong Miyerkoles ng gabi.

Batay sa ulat ng Caraga regional police, binaril ni Sabalo ang biktima na si Daryl Joy Legaspi, 26, isang public school teacher.

Ayon sa mga pulisya, pauwi na galing trabaho si Legaspi at ihahatid ng motorsiklo ang isang estudyante ng bigla siyang sundan ni Sabalo.

Sakay ng kaniyang pickup, bumaba si Sabalo tsaka nakipagtalo sa biktima, maya-maya pa ay binaril ng isang beses sa ulo at dalawang beses sa likod ng suspek ang guro.

Mabilis namang tumakas ang suspek sa pinangyarihan.

Kinagabihan, hinarang si Sabalo sa isang checkpoint sa Tubay, Agusan del Norte, ngunit biglang humarurot ang suspek palayo sa mga pulis.

Huminto ang sasakyan ni Sabalo at narinig ng mga operatiba ang putok ng baril. Napag-alaman ng awtoridad na binaril nito ang sarili.

Sinugod pa sa ospital ang suspek ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa pulis, hindi pa malinaw kung ano ang pinagtalunan ng dalawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?