92

Oct 24, 2017 @ 17:07

Negosyante, agaw-buhay sa riding in tandem

Sa kabila ng inilunsad ng pulisya na maigting umanong pagsugpo sa mga riding in tandem criminals ay isa pa ring 31-anyos na negosyante ang nabiktima ng mga ito sa lungsod ng Malabon kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina PO2 Rockymar BInayug at PO2 Junny Delgado, ng Malabon City Police-Homicide Unit, ganap umanong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob mismo ng sari-sari store na pagmamay-ari ng biktimang si Bryon Luna, 31-anyos, sa M.H. Del Pilar, Barangay Santulan ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong abala sa pag-aayos ng kanyang mga paninda ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na pawang mga nakasuot ng bonnet at helmet at lulan ng isang itim na Yamaha Mio na hindi naplakahan.

Saglit na pumarada sa harapan ng tindahan ang mga ito kung saan bumaba ang angkas nito at lumapit sa bintana ng tindahan saka binaril ng isang beses sa katawan ang biktima gamit ang isang .45 caliber na baril.

Matapos ang insidente’y agad ding nagsitakas ang mga salarin saka pinahahurot ang motorsiklo patungong Arkong Bato, lungsod ng Valenzuela.

Agad namang naisugod sa Valenzuela City Medical Center ang biktima na kasalukuyan pa ring isinasalba ang buhay.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga salarin at posibleng motibo ng mga ito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?