36

Oct 6, 2021 @ 18:39
By

NDRRMC hugas-kamay sa #BBM2022 emergency alert

Itinanggi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sila ang nasa likod ng emergency alert na natanggap sa cellphone ng ilang mamamayan matapos ang paghahain ni dating senador Bongbong Marcos ng kanyang certificate of candidacy sa pagtakbong pangulo.

Ikinagulat ng mga mamamahayag na nasa Comelec tent sa Sofitel sa Pasay City ang natanggap nilang emergency alert na hindi tungkol sa lindol o bagyo kundi ang naghuhumiyaw na pangangampanya para kay Marcos.

“Emergency Alert. Buong Buo ang Malasakit sa bansa. Buong Buhay ang Maialay sa taong bayan. Bagong Bukas na Masagana para sa masa. BaBangon Muli ang Pilipinas. BBM sa bansa, BBM sa taong bayan, BBM sa masa… BBM Pilipinas!!!” ang mababasa sa emergency alert na may hashtag na #BBM2022.

Sabi ng NDRRMC, “We wish to clarify that the NDRRMC does not issue this type of message for distribution to the public through our telco partners.

“Our usage of the emergency mobile alerts system only follows the prescription of RA 10639 or the Free Mobile Disaster Alerts Act which requires that warning messages must be hazard-specific, time-bound and area-specific,” saad pa nito.

Wala rin umanong alam tungkol dito ang kanilang mga telco partner.

Tiwala umano ang NDRRMC na iniimbestigahan na ito ng National Telecommunications Commission.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?