146

Oct 30, 2020 @ 18:51
By

NDRRMC: Bagyong Rolly malabong maging supertyphoon

Hindi aabot sa lebel ng supertyphoon ang binabantayang bagyong Rolly, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Undersecretary Ricardo Jalad.

Ito’y matapos na ihayag ng United States Navy Joint Typhoon Warning Center (JTWS) na posibleng umabot sa supertyphoon ang lakas ng naturang bagyo na tatama sa kalupaan ng Luzon sa Linggo o Lunes sa Aurora, Quezon.

“Sa official na advisory sa atin ng PAGASA, ito’y aabot sa typhoon level lang, ang pinakamalakas na nakikita niya na hangin na dadalhin ay nasa 185 kilometers per hour,” saad ni Jalad.

“Napaliwanag naman ‘yan ng PAGASA na ang pagkaiba ng forecast ng Hawaii at PAGASA ay dahil sa magkaiba ‘yung kanilang parameters,” aniya pa.

Ngunit aniya, dapat ay mag-ingat sa nasabing bagyo dahil nakikita niya ito bilang kasing lakas ng bagyong Tisoy o Kammuri, na nanalasa sa Luzon at Visayas noong 2019.

Ang bagyong Tisoy ay sumira ng abot sa P2B sa agriculture sector ng Region III, Calabarzon, Mimaropa, V at VI. Nag-iwan din ito ng abot sa 12 nasawi.

“Base sa presentation ng PAGASA kanina, sa tingin ko parang kasing-lakas siya ng Typhoon Tisoy last year. Si Typhoon Tisoy last year, mas kakaunti ‘yung casualties natin kaysa kay Ursula, ‘yung sumunod kay Tisoy. Dahil dito kay Tisoy marami ‘yung talagang preemptive evacuations natin,” saad pa ni Jalad.

Sa weather bulletin ng PAGASA alas-5 ng hapon, magtataglay ang bagyong Rolly ng intensity ng hangin na aabot sa 175 hanggang 195 kilometer per hour.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?