42

Feb 20, 2020 @ 18:53
By

NCRPO tinanggi ang ‘profiling’ sa mga estudyanteng Muslim

Mariing itinanggi ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may ginagawa silang ‘profiling’ sa pagkuha ng mga datos ng mga estudyanteng Muslim na nag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.

Ayon kay Police Maj Britz Estadilla, spokesperson ng NCRPO, gumagawa lamang sila ng ‘database’ para may pagkukunan ng impormasyon sa hinaharap.

Ang mga impormasyon ay gagamitin umano sa mga aktibidad ng isasagawang Salaam Police Center sa Metro Manila para tumugma sa pangangailangan ng mga Muslim.

Sinabi ni Estadilla, ito ay paraan rin umano sa pagpapalakas ng ugnayan sa mga Muslim tungo sa kapayapaan.

Noong Enero 31, isang memorandum ang inilabas para sa mga istasyon ng pulisya sa Metro Manila para magsumite ng listahan ng mga estudyanteng Muslim sa kani-kanilang lugar.

Kabilang sa mga impormasyon na kakalapin ay ang kabuuang bilang mga estudyanteng Muslim sa Metro Manila, bilang kung ilan ang lalaki at babae, kanilang lebel sa paaralan at pangalan ng mga paaralan.

Dahil dito kinondena naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang aksyon ng NCRPO na tinawag nilang “ignorante at islamophobia”.

“It is deplorable that the PNP would want to target these young Muslim students to supposedly counter violent extremism, which is short of saying that Muslims are more likely to become extremists or terrorists. But the reality is, these students and our schools have nothing to do with the government’s wars,” ayon kay ACT national chairperson Joselyn Martinez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?