168
oscar-albayalde
Feb 11, 2018 @ 16:11
By

NCRPO chief: Tutulog-tulog na pulis, walang bonus!

Nagbabala si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na hindi makakatanggap ng bonus sa loob ng isang taon ang mga pulis na mahuhuling natutulog at umiinom habang naka-duty.

Ayon kay Albayalde, bukod sa matatanggalan na ng bonus ang mga tauhan ng PNP na tutulog-tulog sa pansitan ay kakasuhan at masususpinde pa ang mga ito sa kanilang trabaho.

Kaya payo niya sa mga kapulisan, kapag oras ng kanilang duty ay siguraduhin ng mga ito na maging alerto at tuparin ang kanilang sinumpaang serbisyo sa mamamayan.

“Aba’y mahiya naman tayo sa publiko…sila ang nagpapasuweldo sa atin kaya naman suklian natin ang serbisyo sa kanila na siguruhing ligtas sila laban sa masasamang elemento sa lipunan. Dinoble na nga po ang ating suweldo, sana suklian naman natin ito ng pagseserbisyo,” giit ng NCRPO chief.

Kasabay nito, sinabi ni Albayalde na nagtalaga na siya ng team na magsasagawa ng pagmomonitor at ng ‘surprise inspection’ sa madaling-araw para gisingin at hulihin ang mga pasaway na pulis.

Makakasama umano ni Albayalde ang binuo niyang team sa pag-iikot, kasama ang ilang mamamahayag para maging ebidensiya laban sa mga tatamad-tamad na pulis.

“Hindi naman natin nais na ipahiya sila (pulis) sa on-the-spot inspection at kunan sila ng camera habang natutulog. Itong ginagawa natin ay para matuldukan na ang mga pasaway at tatamad-tamad na pulis na naghihintay na lang ng kanilang suweldo,” paliwanag pa ng hepe.

Nauna nang sinibak ang 18 pulis kabilang na ang kanilang mga hepe na nahuling natutulog at umiinom sa Pasay at Muntinlupa City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?