39

Sep 17, 2021 @ 11:45
By

NCR itaas sa Alert Level 5 – grupo

Nanawagan ang isang grupo ng mga health professional na itaas sa pinakamahigpit na baitang ng bagong quarantine classification ang Metro Manila.

Anila, patuloy pa rin kasing napupuno ang mga ospital ng mga pasyenteng nasasapol ng COVID-19.

“Tingin namin nasa Alert Level 5 tayo, hindi Alert Level 4. Ito na ‘yung pinakamasamang surge natin nitong nakaraang isang taon at kalahati,” ani Dr. Antonio Dans na siyang spokesman ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19.

“Hihintayin pa ba natin magpatong-patong ang mga namamatay sa emergency room bago tayo magtawag ng Alert Level 5?” dagdag pa niya.

HIling niya, itaas na sa Level 5 ang alert level sa NCR dahil upos na ang mga healthcare worker kaka-kayod ngayong pandemya.

“Sana ilagay na kaagad sa Alert Level 5 para masugpo na ang pagdami ng mga kaso at ‘yung hirap na dinadanas ng mga pasyente at health-care worker sa frontlines,” sambit niya.

Nito lamang Huwebes nang umiral ang Alert Level 4 sa Metro Manila na siyang bagong hakbang ng pamahalaan sa pagsugpo ng patuloy na pagkalat ng COVID at Delta variant sa bansa.

Sa ilalim ng classification na ito, papayagang magbukas ang al fresco dine-in services sa 30 percent capacity para sa outdoor at 10 percent capacity naman para sa indoor na siyang para lang sa mga fully vaccainted na indibidwal. (VA)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?