30

Jun 12, 2020 @ 18:06

NCR ipako sa GCQ

Posibleng panatilihin ang general community quarantine sa National Capital Region (NCR) pagkatapos ng Hunyo 15 dahil sa pangamba na baka biglang tumaas ang COVID-19 infection kapag niluwagan pa ang galaw ng mga tao sa Metro Manila.

Sinabi ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa panayam sa telebisyon nitong Biyernes.

“Para sa akin, 50-50 pero mas lamang, magre-remain `yan [Metro Manila] sa GCQ,” sabi ni Año.

Si Año ang vice chairperson ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID),

“If we are going to relax it now, baka mabulunan o madapa. Baka kung okay na tayo pero dahil niluwagan mo, bumalik na naman at magkaroon ng mas [maraming kaso],” aniya pa.

Samantala, inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin bumababa ang mga kaso ng COVID-19 infection sa NCR.

“Talagang aminado naman tayo na medyo hindi po bumababa ang mga kaso sa Metro Manila; bagamat sa buong Pilipinas significant po ang pagbaba,” ani Roque.

Nauna rito, naglabas ng forecast ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na aabot sa 24,000 ang kaso ng COVID ngayong Hunyo na nagkatotoo.

Sa panibagong pagtaya na inilabas ng mga UP expert, bago matapos ang kasalukuyang buwan ay aabot ang COVID infection ng hanggang 40,000 sa bansa. (Prince Golez/Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?