25

Jun 22, 2020 @ 17:10
By

NCR ‘di ibabalik sa ECQ — DILG

Hindi na ibabalik ng pamahalaan sa ilalim ng mas istriktong enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, ito’y kung patuloy na mahigpit na susundin ng mga residente ang health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng nakamamatay na COVID-19.

Aniya, mas makabubuti kung mananatili ang istriktong pagtalima sa quarantine regulations ng mga mamamayan para na rin naman sa kaligtasan ng lahat.

Sa ngayon ay ayos naman umano ang kanilang pagtaya sa ‘case doubling time’ at ‘critical care infrastructure utilization rate’ sa NCR at wala pa silang nakikitang dahilan upang ibalik ang NCR sa ilalim ng ECQ.

Nauna rito, nangamba ang ilang residente ng Metro Manila sa kumalat na balitang posibleng maibalik muli sa ECQ ang Metro Manila, katulad ng nangyari sa Cebu City, bunsod na rin nang patuloy na pagdami ng naitatalang mga kaso ng COVID-19 doon.

Ilan sa mga health protocol na mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ngayon bilang bahagi ng laban kontra COVID-19 ay ang pagsusuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang alcohol, sabon at tubig, pagkakaroon ng cough etiquette at physical distancing.

Samantala, pabor naman si Interior Secretary Eduardo Año sa ideya na ipagpatuloy ng publiko ang pagsusuot ng face mask, kahit pa maging available na sa bansa ang bakuna kontra sa COVID-19, para makaiwas sa ibang karamdaman at makalanghap ng polusyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?