5

By

NCAA: Letran nakatakas sa sorpresa ng UPHSD

Sharing is caring!

Patuloy ang pag-ariba ng Colegio de San de Letran Knights sa second round ng eliminations ng NCAA 94 nang bawian nito ang University of Perpetual Help System (UPHSD) Dalta Altas, 82-80, nitong Biyernes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Tinarak ng Knights ang 13-4 win-loss record habang nasa ikaapat na pwesto pa rin ang Altas tangan ang 11-6 na kartada.

Matatandaan na noong unang round ay ginulat ng Altas ang Knights ng padapain nila ito, 78-75, at ngayon ay bumawi ang mga taga-Intramuros.

“Nandito kamin para mag-improve pa rin, kasi coming to playoff game kumbaga kailangan talaga maging perfect lahat ng mga gagawin namin eh. ‘Yun ‘yung mindset namin ngayon, kumbaga coming to playoff kailangan i-correct namin,” sabi ni Letran coach Jeff Napa.

Pumoste si Bong Quinto ng 22 puntos, siyam na rebounds, limang assists at dalawang steals habang si Toto Calvo naman ay tumapos ng 17 puntos, limang rebounds, pitong assists at dalawang steals.

“Sana hanggang ‘yung last game namin, gagawin namin ‘yung best namin para matapos namin ‘yung second round nasa mataas kami para pagpasok namin ng semis, maganda ‘yung kumpiyansa na makukuha namin,” sabi ni Quinto.

Hindi naging madali para sa Knights na makuha ang panalo sa Altas dahil nakuha pang lumamang ng Altas sa tulong ng tres ni Edgar Charcos sa huling 52:8 segundo ng laro, 80-79.

Tangan ang kalamangan, kumpiyansa ang Altas sa huling segundo ng laro pero nasikwatan sila ng bola at na-convert ito Quinto sa isang fast break shot sa huling 20:5 na segundo, na nagpaangat muli sa kanila, 81-80.

Magagawa pa sanang maitabla sa 82 ang laro para maipwersa sa overtime pero kinapos ang jumper shot ni Rom Mangalino at dito na tuluyang naselyuhan ang laro.

Nanguna naman para sa Altas si Tonton Peralta na may 17 puntos, apat na rebounds at tig-isang assist at steal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?