73
ABANTE nbp bilibid
Oct 18, 2019 @ 15:28
By

NBP, nasa ilalim ng red alert status

Halos nasa pitong araw na ang isinasagawang demolisyon o clearing operation sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Pinangunahan ito ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Corrections (BuCor), Bureau of Jail Management and Penology, Department of Public Works and Highways, Bureau of Fire Protection, Metropolitan Manila Development Authority at National Capital Regional Police Office na sinimulan noong Oktubre 11 sa Muntinlupa City.

Gayunpaman ay nananatili pa ring naka-red alert ang mga quadrant ng NBP dahil sa nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang demolisyon sa mga kubol.

Nitong Biyernes personal na ininspeksyon ni Police Colonel Juan Anonuevo, Deputy District Director for Operation ng Southern Police District, ang mga personnel ng SPD na itinalaga sa loob ng BuCor.

Nabatid na itinalaga ang ilang pulis sa loob ng BuCor mula ng unang araw ng isinasagawang clearing operation sa loob ng nabanggit na kulungan.

Nakikipagtulungan ang PNP para sa isinasagawang clearing operation sa loob ng BuCor sa ilalim ng pamamahala ng direktor nito na si Gerald Bantag.

Samantala ayon naman kay BuCor Spokesperson Major Alberto Tapiru, napasok na ng mga awtoridad ang Quadrant 2 at 3 south and north ng NBP.

Ayon kay Tapiru, parte ito ng isinasagawang paglilinis ng maximum security compound kung saan may mga nakuhang kontrabando kagaya ng mga cellphone, sigarilyo, tabako at iba pa sa mga dinemolish na kubol sa loob ng nasabing piitan.

Sa kabila ng status, itinuturing pa rin na normal ang sitwaston sa NBP kasabay ng pagtiyak na may sapat na tubig at pagkain sa brigada na pinaglipatan ng mga bilanggo.

Magugunitang nagkaroon ng pagsabog sa NBP kamakailan sa kalagitnaan ng isinasagawang clearing operation.

May mga nakaistanbay na mga tangke ng Armed Forces of the Philippines mga fire truck at ambulansiya sa NBP.

Sinabi ni Tapiru na inaasahang matatapos ang clearing operation sa maximum security compound sa susunod na linggo alo’t pa na nagkusa na ang mga preso na gibain ang kani-kanilang mga kubol.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?