221

Dec 29, 2017 @ 20:04
By

NBI sisiyasatin din ang Mandaluyong shooting incident

Magsasagawa na rin ng pagsisiyasat ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring operasyon ng mga pulis sa Mandaluyong kagabi kung saan dalawa ang nasawi at dalawa ang nasugatan.

Ito ay makaraang atasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang NBI sa bisa ng inisyu nitong Department Order No. 822 na may petsang December 29, 2017.

Layunin ng imbestigasyon na magsagawa ng case build-up sa insidenteng nangyari sa kanto ng Shaw Boulevard at Wack Wack Road na kinasangkutan ng mga myembro ng Mandaluyong City Police Station.

Kung may sapat na ebidensyang makakalap, iniutos ni Aguirre ang paghahain ng kaukulang kaso.

“The National Bureau of Investigation, through Director Dante A. Gierran, is hereby directed and granted authority to conduct investigation and case build-up over the deaths of two (2) individuals and injuries of two (2) other individuals during a police operation along Shaw Boulevard corner Wack-Wack Road involving members of the Mandaluyong City Police Station, and if evidence so warrants, to file appropriate charges thereon,” ang nakasaad sa department order.

Iniutos din ng kalihim kay NBI Director Dante Gierran ang pagsusumite ng ulat kaugnay sa magiging progreso ng kanilang imbestigasyon.

Pinagbabaril ng mga pulis at barangay tanod ang isang puting Asian Utility Vehicle kung saan sakay ang mga biktima matapos na mapagkamalan itong getaway vehicle ng tinutugis na suspek sa isang pamamaril.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?