44

Dec 28, 2019 @ 17:06
By

NBA: Magic umeskapo sa Sixers

Inalat sa free throw line ang Orlando Magic sa final minute, pero kumapit para takasan ang Philadelphia 76ers 98-97 Biyernes ng gabi.

Umiskor si Evan Fournier ng 20, nagsumite si Aaron Gordon ng 19 points at 11 rebounds, may 16 points at 12 rebounds pa si Nikola Vucevic sa Orlando.

“It felt like Magic basketball tonight as far as the defense and preparation,” wika ni Fournier. “They are one of the top teams in the East and we were ready for a fight.”

Hindi kinayang isalba ng tig-24 points nina Joel Embiid at Tobias Harris ang 76ers. May tig-11 rebounds din ang dalawa.

Natapos ang three-game winning streak ng Philly nang sumablay ang desperation 30-footer ni Embiid sa buzzer.

Abante ang Orlando 93-83 sa dakdak ni Gordon 1:49 sa laro. Pagkatapos nu’n, 5 of 11 ang Magic sa stripe sa final 1:30 – apat na mintis sa huling 30 seconds.

Puro 3-pointers ang huling apat na field goals ng Philadelphia kaya dumikit ang mga dayo. Ibinaon ni Embiid ang panghuli 5.1 ticks para ilapit 98-97.

Ninakaw ni Ben Simmons ang inbounds pass sa court ng Magic, binato agad kay Embiid. Pinakawalan niya ang desperation shot pero kapos at nakaligtas ang Orlando.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?