148

Aug 7, 2018 @ 19:32
By

NayonLanding lilikha ng mahigit 40K trabaho

Sisimulan na ang pagpapatayo ng pinakabagong integrated leisure at entertainment resort sa Entertainment City sa lunsod ng Paranaque na inaasahang lilikha ng mahigit 40,000 na trabaho sa susunod na apat na taon at higit pa.



Ito ang inihayag ni Dr. Yang Zhihui, tagapangulo at executive director ng Hongkong-based Landing International Development Ltd. na magtatayo sa tinaguriang NayonLanding sa pamamagitan ng local subsidiary nito na Landing Resorts Philippines Development Corp. (Landing Philippines), sa isang press conference bago ang nakatakdang groundbreaking ng proyekto nitong Martes ng umaga.



Ayon kay Yang, ang NayonLanding na may kabuuang floor area na 610,000 metro kwadrado at nagkakahalaga ng isa’t kalahating bilyong dolyar ay magtatampok sa bukod-tangi at world-class na atraksyong tatawaging Pilipino Cultural Theme Park.



Ang indoor theme park ay inaasahang magtuturo at mas lalong maghihikayat sa sinumang bisita na alamin ang mayamang kultura at ganda ng Pilipinas sa paraang sila ay maaaliw at masisiyahan.



Tiwala si Yang na malaki ang magiging kontribusyon ng NayonLanding sa ekonomiya ng bansa lalo na sa aspeto ng paglikha ng hanapbuhay at karagdagang bilang ng mga turistang dayuhan.



Ang NayonLanding ay inaasahang magbubukas sa taong 2022 at magsisilbi itong malaking karagdagan sa Entertainment City na tinaguriang susunod na Macau sa mga darating na panahon.



Hindi bababa sa 1,500 hotel rooms ang itatayo sa loob ng NayonLanding. Ito ay maliban sa naglalakihan at state-of-the-art na pasilidad para sa mga convention at exhibit, kabilang ang isang grand ballroom na kayang maglaman ng 4,000 na tao.



Tampok din sa integrated resort ang indoor movie-theme park na may iba’t ibang atraksyon at rides, at isa sa pinakamalaking indoor water theme park sa mundo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?