57

Mar 17, 2020 @ 16:24
By

Navotas nagpatupad ng curfew

Bilang suporta sa social distancing measures para maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19), ipinasa ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang ordinansa na nagpapatupad ng 8 pm hanggang 5 am na curfew.

Iniuutos din ng City Ordinance No. 2020-06 sa mga establisimiyento na magsarado ng 8 p.m. para maiwasan ang hindi mahalagang pagtitipon-tipon lagpas sa curfew.

Hinikayat ni Mayor Toby Tiangco ang publiko na sumunod sa ordinansa at tulungan ang pamahalaang lungsod na mapanatiling COVID-free ang Navotas.

“Meron tayong 28 persons under monitoring at dalawang under investigation kaninang umaga. Ngunit mapalad tayo na nananatiling walang kumpirmadong kaso ng sakit sa ating lungsod. Napakahalaga na hindi na tumaas pa ang mga bilang na ito kaya hinihingi ko ang inyong lubusang kooperasyon,” aniya.

Saklaw ng ordinansa ang lahat ng mga tao anuman ang edad. Labas naman dito ang mga taong nagbabiyahe dahil sa medikal o humanitarian na dahilan, papunta sa airport para sa biyahe sa ibang bansa, naghahandog ng basic services at public utilities, papunta o pauwi mula sa trabaho, at nagtitinda ng isda at kaparehong produkto sa Navotas Fish Port Complex at iba pang palengke at pasilidad.

Hindi rin saklaw ang mga taong nagtatrabaho sa pagbibenta o pagdideliver ng mga raw materials, food products o supplies; paghahatid ng mga kinakailangang gamit para sa laban sa COVID-19; mga health worker; mga awtorisadong opisyal o kawani ng lokal na pamahalaan; at ang skeletal workforce ng pamahalaang lokal.

Kabilang naman sa mga establisimiyento na hindi saklaw ng ordinansa ang mga foodshops maliban sa restoran, pub at bar sa Navotas na nagtitinda ng alak o may videoke/karaoke, supermarket, parmasya, klinika, at bangko.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay magkakamulta ng P1,000 sa unang paglabag, P2,500 sa ikalawang paglabag, at P5,000 at pagkakulong sa ikatlong paglabag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?