23

Mar 13, 2020 @ 18:14

Navotas magpapatupad ng 4-day workweek

Simula Marso 16, 2020, magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng 4-day workweek kaugnay ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang compressed work schedule ay bahagi ng pagsisikap ng lungsod na isulong ang social distancing at makatulong na maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease (COVID-19).

Ngunit tiniyak niya sa publiko na mananatiling bukas ang NavoServe Social Services One-Stop Shop mula Lunes hanggang Biyernes ng 8AM hanggang 5PM.

“Naiintindihan natin na napakaimportante na makakuha ng medical assistance at guarantee letter. Sa panahon ng krisis, makaaasa ang mga Navoteño, lalo na ‘yong mga hirap sa buhay, na makakakuha sila ng tulong at ayudang kailangan nila mula sa ating pamahalaan,” aniya.

Nakasaad sa Memorandum Order No. TMT 2020-0151 na mananatiling bukas ang frontline services mula Lunes hanggang Biyernes. Susunod ang mga empleyado sa shifting schedule at kailangan nilang magtrabaho ng 10 oras bawat araw sa loob ng apat na araw.

Kabilang sa mga may compressed at shifting work arrangement ang Business Permits and Licensing Office, City Treasurer’s Office, Local Civil Registry, Assessor’s Office, City Planning and Development Office, Franchising Permit Processing Unit at City Agriculture Office.

Kasama rin dito ang mga empleyado ng Navotas City Hospital, lahat ng health center at lying-in clinic, mga traffic enforcer at Task Force Disiplina, mga dog catcher, mga street sweeper, environmental police at Bantay Dagat at mga kawani ng City Social Welfare and Development Office.

Ang ibang opisinang hindi nabanggit ay susunod sa work schedule na Lunes hanggang Biyernes, 8AM hanggang 7PM.

Samantala, ang mga teaching personnel ng Navotas Polytechnic College at NAVOTAAS Institute ay gagawa ng alternative teaching methods alinsunod sa mapagkakasunduan kasama ng City Human Resource Development Office tungkol sa proof of units taught.

Ang mga opisinang hindi saklaw ng memo at magre-report ayon sa kanilang regular na schedule ay ang sumusunod: City Disaster Risk Reduction and Management Office, Navotas Action and Command Center, Public Information Office at Office of the Local Building Official.

Kabilang din dito ang mga kawani ng Bahay Pag-asa, Housing and Urban Poor Affairs Office, City Environment and Natural Resources Office waste collection services at security services.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?