130

Apr 4, 2018 @ 12:01

Navotas inmates nagtapos ng pag-aaral

Hindi naging hadlang ang mga rehas para makapagtapos ng pag-aaral ang ilang preso sa Navotas City Jail.

Binigyan ng pagkilala at parangal ni Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Navotas City Jail warden JCInsp. Atty. Ricky Heart Pegalan at OIC-Schools Division Superintendent Dr. Meliton Zurbano, ang 20 inmates na naka-gradweyt sa elementarya at sekundarya sa pamamagitan ng Alternative Learning System.

“Hindi nasusukat ng panahong inilagi ninyo sa kulungan ang inyong pagkatao. Isang kabanata lamang ito,” saad ni Tiangco.

“Dapat lang na ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral upang mapaghandaan ninyo ang inyong paglabas at muling pagtayo bilang produktibo at mabuting miyembro ng ating pamayanan,” aniya.

Hinikayat din niya ang mga nagsipagtapos na mag-aral ng mga kursong technical-vocational sa mga training centers ng lungsod o mag-apply ng scholarship sa Navotas Polytechnic College.

“Hangad namin na tuloy-tuloy ang inyong pagtatagumpay. Kayo ay bahagi ng yaman at lakas ng ating lungsod. Makakaasa kayo na isusulong namin ang inyong pangkabuuang pag-unlad para mapataas ang antas ng inyong pamumuhay,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?