208

Dec 22, 2017 @ 15:48
By

Nautical highways, pinalalagyan ng CR

Inatasan ng Kamara ang Department of Tourism na magtayo ng mga pampublikong palikuran sa eastern at western nautical highways sa bansa.

Sa House Resolution 1418 na nauna nang in-adopt ng kapulungan, nakasaad na makatutulong ang pagkakaroon ng malinis na public restrooms sa pagpapaunlad ng turismo.

Ayon kay Malabon Rep. Federico Sandoval II na siyang may-akda ng resolusyon, pwedeng idaan ng DOT sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng nasabing mga pasilidad.

Matatandaang sa ginawang pag-iinspeksiyon ng mga kongresista gamit ang Road Roll-on/Roll-off Terminal System (RRTS), isa sa napuna ng mga ito ang kawalan ng comfort rooms sa mga pangunahing kalsada.

Kabilang sa dinaanan ng House Inspection Team ang Western Nautical Highway na binubuo ng Batangas City, Oriental Mindoro, Western Visayas, Negros Islands Region, at Dipolog City gayundin ang Eastern Nautical Highway sa Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Leyte Province, Samar, Masbate, at Sorsogon. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?