43

Jul 22, 2021 @ 16:25
By

Natuklasang gamit sa Scarborough, iimbestigahan

Iimbestigahan ng gobyerno kung paano nagkaroon ng seismometer na ginagamit umano sa oil exploration sa bahagi ng Scarborough Shoal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nais malaman ng Palasyo kung mayroong tumutuklas ng langis sa ilalim ng karagatang sakop ng Pilipinas nang hindi nalalaman ng gobyerno.

Sa pagkakaalam aniya ng Palasyo, mahigpit na binabantayan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang mga barkong naglalayag sa bahagi ng Scarborough Shoal.

“Mag-iimbestiga talaga tayo kung bakit nakuha iyong ganyang equipment. Pero alam nyo po without the boat, hindi po magagamit diyan iyang equipment na iyan, so ang tinitingnan natin ay kung mayroon talagang mga barko na naglalayag diyan for the purpose of oil exploration,” ani Roque.

Tumanggi naman munang magkomento ang kalihim sa ulat na ang nakitang instrumento ay may mga nakasulat umano na Chinese characters.

“Wala po kaming official reaction diyan because it is based on speculation,” dagdag ni Roque.

Para aniya magamit ang seismometer ay kailangang mayroong barko na magbato nito sa ilalim ng karagatan at wala namang nairereport ang mga otoridad na mayroong namataang dayuhang barko sa Scarborough Shoal.

“For now we are confident na wala naman pong exploration na magaganap diyan sa Scarborough at kung mayroon naman po and if we can verify it then we will file or do the corresponding action,” wika ng kalihim.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?