109

Dec 14, 2017 @ 18:08
By

Nationwide martial law, posible kay Duterte – solons

Ginagamit umano na testing ground ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mindanao para sa balak nitong pagpapatupad ng martial law sa buong Pilipinas.

Sinabi ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao ay sinubukan na ng pangulo na gawing isa sa basehan ang banta ng New People’s Army (NPA).

Kapag umubra aniya ito ay hindi na imposibleng gamitin din itong basehan sa pagpapalawak ng martial law sa buong bansa.

Ayon kay Alejano, buo pa rin ang kanyang tiwala sa mga sundalo pero sana ay hindi masira ang pagtingin ng militar sa civilian authority ng gobyerno dahil sa madalas na extension ng martial law.

Sa panig ni Akbayan partylist Rep. Tom Villarin, inaasahan nitong magsusulong ang pangulo ng isa pang panukala sa Kongreso para naman sa nationwide martial law kasabay nang constituent assembly.

Ito’y dahil hindi lamang aniya hangad ng pangulo na maging diktador sa susunod na apat na taon kundi pang-habambuhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?