121
magdalo-gary-alejano
Jan 3, 2018 @ 12:51

National ID

By Gary Alejano

 

Napapanahon na para magkaroon ng iisang ID ang mga Filipino na magagamit sa lahat ng transaksyon sa gobyerno at sa pribadong sektor.

Naipasa na sa mababang kapulungan ang panukulang House Bill 6221 o An Act Establishing the Filipino Identification System kung kung saan isa tayo sa mga nagsulong sa pamamagitan ng House Bill 107. Umaasa tayo na sa taong ito ay maipapasa na rin ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon sa panukalang ito na malaki ang magiging pakinabang sa ating lahat.

Sa ngayon, marami sa ating mga kababayan lalo na yung mga nasa probinsya ang walang pagkakakilanlan o maiproduce na ID kapag mayroong transaksyon sa gobyerno. Marami sa mga Filipino ang hindi miyembro ng Social Security System (SSS), walang Tax Indentification Number (TIN) o kaya driver’s license at wala pa ring Voter’s ID at lalong walang company ID dahil hindi naman employed.

Ang iba nama’y nagpapakita lamang ng barangay certification o kaya ID na nagpapatunay na sila ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Kulang ang impormasyon na karaniwang ipinapakita ng karamihan sa ating mga kababayan na hindi rin maaaring magamit sa ibang transaksyon sa gobyerno o kaya sa pribadong sektor.

Kapag nagkaroon tayo ng iisang ID lamang, pwedeng magamit ito sa lahat ng transaksyon sa gobyerno, pwedeng gamitin sa pag-apply ng trabaho o kaya kapag nag-enroll sa paaralan, gayundin kapag bumoto. Panghabang-buhay din ang bisa.

Lahat ng mga Filipino pagtuntong ng edad 18 anyos ay kailangan kumuha ng ID sa Philippine Statistics Authority (PSA) o dating National Statistics Office (NSO). Kapag nawala ang ID o di kaya ay nagpalit ka ng pangalan kailangan lamang kumuha ng panibago.

Maglalaman ang ID na ito ng pangalan, litrato, kasarian, kapanganakan, lugar ng kapanganakan, address, blood type, common reference number, pangalan ng magulang, biometric information, height, weight at TIN. Hindi ito maglalaman ng mga impormasyon na ikakapahamak ng mga tao tulad ng ikinakabahala ng mga kontra sa panukalang ito.

Malaki ang maitutulong nito sa pagpapabilis ng mga transaksyon, sa gobyerno man o sa pribadong sektor. Sigurado kang tatanggapin ang Filipino ID Card sa kahit anong transaksyon at ahensya. Malaki rin ang mababawas na gastusin mula sa pagkuha ng iba-iba at napakarami pang mga ID.

Ang mga tila maliliit na hakbangin tulad nito ay magkakaroon ng napakalaking epekto sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Kaya naman nawa’y suportahan natin ang pagpasa ng batas na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?